MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 72-anyos na lolo makaraang matusta sa loob ng kanilang nasunog na tahanan sa Pasig City kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Crisanto Albaña Sr., ng #16 Villa Reyes Compound sa JV Miguel Street, Barangay Bambang.
Sa imbestigasyon ni FO3 Joey Bautista ng Pasig Fire Bureau, naganap ang sunog dakong alas-8:55 ng umaga kung saan naapula sa loob lamang ng 20-minuto. Sinasabing sa loob ng kuwarto ng matanda nagsimula ang apoy kaya hindi na nagawa pang iligtas ng kanyang mga kasambahay.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ni FO3 Bautista na nag-short circuit ang linya ng electric fan matapos mag-init kung saan umapoy at kumalat sa buong kabahayan. Gayon pa man, aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo habang patuloy naman ang imbestigasyon.