POEA 'di nagpapautang sa OFWs

MANILA, Philippines - Hindi nagpapautang ang Philippine Overseas Employ­ment Administration (POEA) para sa mga overseas Filipino workers.

Ito ang nilinaw ni POEA administrator Carlos Cao Jr. kasunod nang pagka­ka­aresto sa isang hinihinalang fixer na umano’y nangongolekta ng bayad sa mga aplikante para raw sa POEA cash loan.

Ayon kay Cao, humingi ng tulong sa mga security ng POEA ang isang mag-asawa mula sa Zamboanga City matapos na mabigo ang fixer na kinilalang si Ronnie Soner na ibigay ang hinihiram nilang halaga mula sa POEA.

Lumilitaw sa imbestigas­yon na kumolekta ng P8,750 si Soner sa mag-asawa bilang “processing fee” para sa P30,000 loan na ire-release noon sanang Hulyo 20.

Ayon sa mga biktima, nag-aaplay sila ng loan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) main office sa Pasay City noong Hulyo 12 ng lapitan sila ni Soner.

Kinumbinsi umano sila ni Soner na mas mabilis silang makakakuha ng loan sa POEA kaysa OWWA kaya’t napapayag sila nito.

Si Soner ay inaresto naman noong Hulyo 29 at dinala sa Mandaluyong City police office.

Show comments