MANILA, Philippines - Sugatan at nasa malubhang kalagayan sa ospital ang magkapatid na lalaki makaraang pagsasaksakin ng nag-amok na lalaki sa Marikina City kahapon ng madaling-araw.
Kapwa nakaratay ngayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sina Rizalino Villacarlos, 45, ng Narra St., Marikina Heights; at Raul Villacarlos, 52, ng Daangbakal St., Brgy. San Roque sa nasabing lungsod.
Si Rizalino ay nagtamo ng apat na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang limang saksak naman si Raul.
Ang suspect ay mabilis na nakatakas matapos ang insidente na siyang target ngayon sa ginagawang paghahanap ng pulisya.
Sa rekord ng Marikina Police, ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa Molave St., Brgy. Parang, Marikina City.
Sinasabing naglalakad na papauwi ang magkapatid noon nang biglang sumulpot sa kanilang likuran ang suspect na naglilisik umano ang mga mata at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang magkapatid.