20,000 residente inilikas: Marikina River, nasa alert level 3

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 20,000 residente ng Marikina City ang napilitang lumikas sa mas mataas na lugar nitong Biyernes ma­tapos na umabot na sa alert level 3 ang water level sa Marikina River. Sa pinakahuling datos ng Rescue 161 ng Marikina, dakong alas-4:25 ng hapon nang itaas ang Alert Level 3 matapos na umabot na ang lebel ng tubig ng ilog sa 17 meters.

Batay sa umiiral na Disaster Plan ng Marikina City government, kapag umabot sa third alarm ang level ng Marikina River, nangangahulugan na magsasagawa na ng forced evacuation ang pamahalaan sa mga residente na nasa critical areas sa tabing ilog. Ayon sa local government ng Marikina, dakong alas-10:00 pa lamang ng umaga ay sinimulan na nila ang evacuation sa mga Barangay ng Nangka, Tumana at Malanday, matapos na umabot sa 16.1 metro ang water level ng ilog.

Sinabi ni Marikina Mayor Del de Guzman, hanggang nitong tanghali ng Biyernes, bago pa man itaas ang ikatlong alarma, umaabot na mahigit 5,000 residente ang nailikas na sa limang evacuation centers, tulad ng H. Bautista Elementary School, Malanday Elementary School, Nangka Elementary School, Bulelak Covered Court at Concepcion Elementary School.

Show comments