MANILA, Philippines - Isang manhunt operation ngayon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD) laban sa isang “lady kidnapper” matapos tangayin nito ang isang kapapanganak pa lamang na babaeng sanggol sa harapan ng isang pampublikong ospital sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng hapon.
Personal na dumulog sa tanggapan ng MPD-Station 3 ang biktimang si Maricel Quijano, 34, may asawa, ng no. 1371 Heroes Del 96, DM Compound, Caloocan City makaraang tangayin ang anak nitong babae na nasa 14 na araw pa lamang.
Nagpalabas naman ang pulisya ng isang cartographic sketch ng babaeng suspect na inilarawan na nasa edad 50 hanggang 54, may katabaan, maikli ang buhok habang pinaghahanap din ang kasabwat nitong taxi driver.
Ayon kay P/Supt. James Afalla, ng MPD-Station 3, sa pagitan ng alas-2 ng hapon hanggang alas-10 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan mismo ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa Rizal Ave., Sta. Cruz.
Sa salaysay ni Quijano, kalalabas lamang nilang mag-ina ng ospital at pagsakay ng taxi ay sumakay din ang “tomboy” na suspect at biglang kinandado ang pintuan ng taxi.
Hinablot ng tomboy ang kanyang sanggol habang kinuha naman ng taxi driver ang bag ni Quijano kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng kanyang sanggol gayundin ang pera nito na nagkakahalaga ng P8,000.
Inikot ikot umano ng dalawang suspect si Quijano sa bisinidad ng Maynila hanggang ibinaba na lamang ito sa harapan ng Rizal Park. Hinala naman ng pulisya na may kinalaman din ang nabatid na suspect sa naganap na pangingidnap sa Ospital ng Maynila na naiulat kamakailan.