MANILA, Philippines - Hindi nagbuhay-hari ang mag-aamang Ampatuan sa loob ng selda habang patuloy ang paglilitis kaugnay sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57-katao kabilang ang 32-mediamen noong Nobyembre 2009.
Sa ambush interview sa pagdiriwang ng International Peacekeeping Month, sinabi ni Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno na walang ebidensya na magpapatunay na may VIP treatment sa mga Ampatuan.
“Walang VIP treatment pero meron kaming mga nakitang rules na hindi nasusunod at hindi nai-enforce,” ani Puno na kabilang sa mga tinukoy ay ang oras ng pagbisita ng kanilang mga kapamilya at kamag-anak.
Una rito, binatikos ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu ang VIP treatment sa mag-aamang Ampatuan sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ang mag-aamang sina dating Maguindanao Government Andal Ampatuan Sr., anak nitong si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan ay nakulong matapos na iturong mastermind sa Maguindanao massacre.
Ang kaso ay nililitis ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.
Sinabi ni Puno na wala siyang nakitang mali sa paggamit ng cell phone, pagpapahangin sa labas ng selda ng matandang Ampatuan at pagba-basketball ng batang Ampatuan sa loob ng naturang detention facility.
“These are not convicted detainees ongoing pa yung trial,” paliwanag pa ni Puno.
Kaugnay nito, sinabi ni Puno na naisumite na nila kay Pangulong Benigno Aquino III ang rekomendasyon sa imbestigasyon sa sinasabing VIP treatment sa mga Ampatuan.
Pansamantala namang tumanggi si Puno na idetalye ang nilalaman ng rekomendasyon na naipadala na sa Palasyo para desisyunan ni PNOY.