MANILA, Philippines - Isa sa 75 miyembro ng itinalagang tourist-oriented police for community order and protection (TOP-COP) ang nabiktima ng carnapping, sa loob ng Rizal Park sa Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Sa reklamong inihain ni PO1 Edward Gamotea sa MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Section, nawala ang kanyang Honda XRM (5512-TT) na kulay puti na ipinarada niya sa Rizal Park habang siya ay dumadalo sa tourism awareness seminar ng TOP COP, sa loob ng Department of Tourism (DOT) dakong ala-1:30 ng hapon.
Matatandaang ikinagalit ni Pangulong Noynoy Aquino ang kawalan ng pulis nang mag-ikot siya sa tourist belt, partikular sa Luneta Park noong Lunes Santo kaya’t sinibak ang hepe ng PCP-Luneta na si C/Insp. Efren Pangan at pinalitan ni C/Insp. Randy Maqluyo.
Kasunod nito, nagtalaga ng kabuuang 75 tourist police sa Rizal Park na nagmula sa MPD Headquarters, MPD Station 5 at Station 9 para magbigay ng sapat na seguridad at impormasyon para sa mga local at foreign tourists.
Kahapon ang ikalawang araw ng seminar ng TOP COP, kung saan kabilang si PO1 Gamotea sa 2nd Batch na dumalo sa seminar na dito nadale ang kanyang hinuhulugang motorsiklo.