MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang malubhang nasugatan ang isa pa makaraang tambangan at ratratin ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang dalawang civilian agents umano ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAPF), kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Nakilala ang nasawi na si Saudi Uti, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib habang ginagamot ngayon sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City at ang ikalawang biktima na si Harrison Untong Kamad, 38.
Sa ulat ng Taguig police, sakay ng isang owner-type jeep (DHD-812) ang dalawa pauwi na sa kanilang tirahan dakong alas-11 kamakalawa ng gabi nang tambangan ng mga hindi nakilalang lalaki pagpasok ng Maharlika Village.
Sa kabila ng tama ng bala sa katawan, braso at hita, nagawa pang makipagbarilan ni Kamad sa mga salarin gamit ang kanyang kalibre .9mm pistol at mapatakbo ang sasakyan patungo ng nabanggit na ospital sa Pasay City.
Sa impormasyon buhat kay Kamad, pawang mga civilian agent umano sila ng Military Intelligence Group (MIG 17) at inisyuhan ng mission order ni Army Major Frederick Galang para sa pagdadala ng nabanggit na baril.
May nagpuntahan din na mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa nabanggit na pagamutan kung saan sinabi ng mga ito na kanilang mga sibilyang ahente rin ang dalawang biktima.
Patuloy naman ngayon ang isinasagawang masusing imbestigayon ng mga tauhan ng Pasay police kay Kamad upang mabatid ang motibo ng pananambang at makilala ang mga salarin.