MANILA, Philippines - Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa hita ang isang buntis nang may magpakawala umano ng putok habang bumibili ito ng DVD sa harapan ng isang tindahan sa Sta Ana, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Josefina Lee, 31, ng San Juan City, dalawang buwang buntis, sanhi ng tama ng bala sa kaliwang hita. Bigla na lamang umanong nawala ang isang lalaki na sinasabing nagpaputok ng kalibre .45 baril.
Dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Pasig Line at Revillen St., Sta Ana, Maynila.
Sinabi ng biktima at live-in partner na si Arnold Jhonson, 29, na habang bumibili sila ng DVD ay nakarinig sila ng putok at napuna na lamang na may umaagos na dugo sa kaliwang hita ng biktima.