MANILA, Philippines - Nadakip ng Caloocan City police ang lider ng “Rex Cortez robbery gang” at isa pang tauhan nito na nasugatan sa pakikipagbarilan sa isang pulis matapos na holdapin ang isang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Kinilala ni Chief Insp. Crisencio Galvez, hepe ng Intel branch ng Caloocan police, ang mga nadakip na si Rex Cortez y Pail, 28, ng no. 39 Libis Espina St., Bgy. 18 at tauhan nito na si Alfred Villagomez, 28.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang holdapin ng grupo ang isang pampasaherong jeep sa may Libis Espina St. Tiyempo naman na napadaan si PO1 Gian Clifford Malonzo lulan ng kanyang motorsiklo at sinita ang mga suspect.
Ayon kay Malonzo, agad siyang pinaputukan ng mga suspect sanhi upang gumanti siya ng tatlong putok.
Nagawa namang makatalilis ng mga suspect dala ang mga salapi at mahahalagang gamit ng mga pasahero.
Dakong alas-6:15 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Caloocan police sa Jose Reyes Memorial Medical Center ukol sa isang kahina-hinalang lalaki na dinala sa pagamutan dahil sa tama ng bala. Agad namang tinungo ng mga pulis ang pagamutan kung saan nadiskubre ang pasyente na si Villagomez na kasama ni Cortez sa panghoholdap.
Sa pagtatanong ng pulisya, naikanta ni Villagomez ang pinagtataguan ni Cortez sanhi upang maaresto ito sa follow-up operations.
Ayon sa pulisya, ang grupo ni Cortez ang responsable sa sunud-sunod na panghoholdap ng mga pampasaherong jeep sa lungsod at mga naglalakad sa madidilim na eskinita.