MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ni dating Manila Mayor Lito Atienza sa Commission on Elections (Comelec) na atasan ang City Treasurer at election officers sa Maynila na magpaliwanag sa nangyari sa ilang mga balota na nakatago sa Museo ng Maynila kung saan ang ilan ay nakitang basa ng tubig.
Sa tatlong pahinang motion iginiit ni Atienza na hindi kapani-paniwalang aksidente lamang ang pagkakabasa ng mga balota dahil nasa loob ito ng Museo, malaki ang paniniwala ng dating alkalde na sinadyang basain at isabotahe ang mga balota upang mahirapan sa isinasagawang recount.
Sa ginawang imbentaryo ay lumitaw na 80 ballot boxes na mula sa ikaapat at ikalimang distrito ang nalubog sa tubig, ang naganap na pagpabaya umano sa mga balota na tungkulin ng City treasurer ay dapat na panagutan.
Dahil sa insidente ay mas nararapat na agad nang ilipat sa Comelec head office sa Intramuros Maynila ang mga balota upang agad nang masimulan ang recount, nabatid na ang mga ballot boxes ay pa wang inilipat na sa Philpost Office sa Lawton Maynila mula sa Museo Pambata.
Umapela rin si Atienza kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairman Ambassador Henrietta de Villa na imonitor at iobserba ang gagawing manual recount ng mga balota noong eleksyon sa posisyon bilang mayor ng lungsod ng Maynila.