Mendoza suportado ng transport groups sa LTO

MANILA, Philippines - Sinusuportahan ng higit na nakararaming trans­port group ang pagta­laga kay Party List representative Vigor Mendoza bilang susunod na LTO chief sa administrasyon ni President-Elect Benigno “Noynoy” Aquino.

Ayon kay Ka Efren de Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), “buo ang suporta nila kay Congressman Vigor Men­doza para maupo bilang LTO chief.

Ito ay sa kabila ng mga pambabatikos ng Secretary General ng Piston na si George San Mateo sa kabila ng pag-eendorso kay Mendoza ng ibat ibang transport groups upang mamuno sa Land Transportation Office.

“Nais lang naming liwa­nagin na hindi kumaka­tawan ang Piston sa buong public transport group sector. Nirerespeto namin ang kanilang opinion ngunit hindi nangangahulugang umaayon kami sa kanila,” sabi ni De Luna.

Kabilang ang Piston sa mga militanteng grupo na kadalasang tumutuligsa sa LTO sa iba’t ibang isyu.

Nanawagan si De Luna na mas dapat pakinggan ni Pangulong Aquino ang bo­ses ng mas nakaka­raming drayber at operator pag­dating sa pagpili ng mamu­muno ng ahensya ng LTO. Umapila silang sana ay pu­mili ng pinuno na may ma­habang karana­san, vision at malasakit sa mga dray­­ber, operator at motorista.

Show comments