MANILA, Philippines - Tuluyan ng nag-goodbye na kahapon ang mag-asawang Bayani at Ma. Lourdes Fernando sa paghawak sa pulitika sa Marikina City makaraan ang halos dalawang dekadang pagpapalitan bilang alkalde ng lungsod.
Opisyal na nagpalaam na kahapon si Mayor Fernando sa mga pinuno ng barangay, departamento, paaralan at iba pang mga opisyales ng lungsod. Inihayag nito na wala na siyang balak at maging ang esposo na si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando na bumalik sa politika sa lungsod at kapwa opisyal nang magreretiro.
“Definitely wala na kaming balak na bumalik, babalik kami bilang mga private citizen. Pero kung ano ang maitutulong natin sa lungsod gagawin pa rin namin,” ani Fernando.
Tulad naman ng pagbabagong kulay ng MMDA mula sa rosas patungo sa berde, sinabi ni Fernando na tanggap rin niya kung burahin rin ang kulay na rosas sa Marikina kung saan dito ito nag-umpisa at palitan ng susunod na administrasyon depende sa nais nitong kulay ng pintura.
Nanawagan naman si Fernando sa papalit na administrasyon sa lungsod na sana’y ipagpatuloy ang mga magaganda nilang proyektong mag-asawa at magtipid sa pondo buhat sa P1 bilyong iiwan niya sa kaban ng lungsod. Sinabi nito na kung tingin ng bagong administrasyon ay kulang ito ay nararapat lamang na magtipid.