MANILA, Philippines - Itinanggi ng Stradcom Corporation, ang exclusive Information Technology ng Land Transportation Office (LTO) na wala silang kinalaman sa production, pagsu-supply at delivery ng drivers license.
Nilinaw din ng Stradcom, bilang LTO IT provider ay responsable lamang umano sila sa pagde-design, installation, operation at maintenance ng kabuuang data base system ng LTO at hindi sa produksiyon, pagsu-supply at delivery ng drivers license ng mga motorista.
Ginawa ng Stradcom ang pahayag matapos maglabasan ang mga maling balita at paratangan sila na umanoy sangkot sa paggawa ng drivers license gayung hindi naman kasama sa kontrata ng LTO at Stradcom sa ilalim ng Build Own and Operate ang drivers license card printing.
Kaugnay naman sa isyu ng bidding ng Drivers License Card Printing, sinabi ng Stradcom na dapat maging kapaki-pakinabang ang new card printing system ng drivers license, gayunpaman nangangamba ang Stradcom na posibleng sa isang supplier mapunta ang drivers license card printing dahil sa mga technical specifications na pumapabor lamang sa iisang supplier.
Idinagdag pa ng Stradcom bilang IT provider ay nais nilang masiguro na magiging parehas at bukas sa publiko ang bidding process ng drivers license at pawang mga makabago ang teknolohiyang gagamitin para sa ikakaganda ng benepisyo ng mga motorista.