MANILA, Philippines - Ibinunyag ng Stradcom Corporation, ang exclusive Information Technology service provider ng Land Transportation Office na karamihan sa lumalaking bilang ng mga Private Emission Testing Center sa bansa ay pag-aari o di kaya pinamamahalaan ng mga mismong PETC IT providers din dahilan upang makitaan ito ng “conflict of interest.”
Sa ulat ng Stradcom sa LTO, kinuwestiyon nito ang kredibilidad ng kalakaran sa PETC system kaugnay sa pag-iisyu ng mga emission testing certificate of compliance na kung saan ito ay maituturing na “at stake” dahil ang mga IT providers din ang mga may-ari ng emission testing centers.
Kinuwestiyon pa ng Stradcom ang tinatawag na “functional usage system ng mga IT providers kabilang ang ipinagmamalaki nitong “eagle-eye” camera system na kanilang ginagamit upang makontrol “daw” ang non-apperance emission testing.
Sinabi pa ng Stradcom na ang kasalukuyang sistema ng PETC ay madaling abusuhin at imanipula ng mga tiwaling tauhan ng mga PETC IT providers at PETC owners. Base sa isinagawang “random checking” ng Stradcom sa mga sasakyang bumibiyahe sa Metro Manila, lumalabas umano na marami pa din ang smoke belchers sa lan sangan kaya nakakapagtaka umano kung paano sila nakakapasa sa emission testing o nakakakuha ng emission testing certificate.