MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkabahala si Monsignor Clemente Ignacio, rector ng Quiapo Church sa pagdami ng mga fortune tellers o manguhula sa paligid ng Minor Basilica of the Black Nazarene na indikasyon tumitindi ang kahirapan sa bansa.
Ayon kay Ignacio, hindi maganda ang pagsusulputan ng mga fortune tellers sa paligid ng simbahan dahil labag sa katuruan ng Simbahang Katolika ang paniniwala sa hula at ang panghuhula.
Nabatid kay Ignacio na ang panghuhula ay isang uri na rin ng panloloko na ginagawang hanapbuhay upang makakuha ng kanilang ikabubuhay bunsod na rin ng kahirapan.
Sinabi ni Ignacio na hindi sila sang-ayon sa hula dahil taliwas ito sa paniniwala ng publiko kung saan hinuhulaan ang mangyayari sa kinabukasan.
Aniya iniimpluwensiya ng hula ang paniniwala ng isang tao kung saan pinipilit ang isang kasinungalingan at nalilimita ang kalayaan ng tao.
Pinaaasa na lamang ng mga fortune tellers ang mga naghahangad ng magandang pagbabago sa kanilang buhay.
Iginiit ni Ignacio na patuloy naman ang pagsisikap ng simbahan na mabigyan ng formation ang mga nagnenegosyo ng hula sa paligid ng Quiapo upang tuluyan itong makontrol.
Samantala, ipinagmamalaki ni Ignacio na ngayong taon ay kontrolado na ang may 80 hanggang 90 porsiyento ng mga herbal vendors na nagbebenta ng Cytotec sa paligid ng Quiapo Church. (Doris Franche)