Tambutso ng mga motorsiklo, inireklamo

MANILA, Philippines - Makikipag-ugnayan na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA ) sa Land Transportation Office (LTO) upang tuluyang maipagbawal ang nakataas at maiingay na tambutso ng mga motorsiklo na nagbubuga sa mukha ng kasunod nilang motorista.

Ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando, marami na silang reklamong natatanggap hinggil sa matataas na tambutso ng mga motorsiklo na kadalasang nauuwi sa pagbabangayan dahil nabubugahan ng usok sa mukha ng kasunod na mga driver at maging mga pedestrian. Sinabi ni Fernando na sinasadya umanong itaas ng ilang mga nagmamay-ari ng motorsiklo ang kanilang tambutso upang hindi tumirik sa daan kapag nadaan sila sa mga lansangan na may tubig-baha sa tuwing tag-ulan habang ang iba ay sinasadya na lamang bilang pamporma.

Sa oras aniyang magpalabas na ng direktiba ang LTO na magbabawal sa mga motorsiklong may mataas na tambutso, sisimulan na ng kanilang mga traffic enforcers ang panghuhuli sa mga ito upang hindi na mauwi pa sa pagbabangayan.

Bukod sa mataas na tambutso, hihilingin din ng MMDA chief sa LTO na maglatag ng kaukulang panun­tunan sa tamang paglalagay ng tambutso ng mga motorsiklo upang hindi maging maingay ang mga ito sa lansangan. Sinabi ni Fernando na isa sa dahilan kung kaya’t inilalagay ang tambutso sa mga sasakyan ay upang hind maging maingay ang tunog at hindi makakabulahaw lalu na sa dis-oras ng gabi.

Ngunit, karamihan ngayon lalo na sa mga kabata­ang nagmo-motor ang nagpapasadya pa ng mas ma­ingay na tunog upang makatawag pansin gayung higit na marami ang nabubulahaw at napeperhuwisyo sa sobrang ingay ng kanilang tambutso. (Danilo Garcia)

Show comments