MANILA, Philippines - Sumuko sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang miyembro ng isang fraternity na sangkot sa hazing, habang ang pito pa ay sa Cavite PNP na sangkot sa pagkamatay ng 21-anyos na lalaking recruit, sa nabanggit na lalawigan noong Lunes.
Gayunman, hindi muna pinangalanan ng NBI ang dalawang sumuko.
Kabilang ang mga ito sa suspects sa pagkamatay ng isang Elvis Sinaluan, na isinailalim sa initiation rites ng Scout Royal Brotherhood (SRB) fraternity , ang junior version ng Alpha Phi Omega (APO) noong Lunes ng gabi.
Magkasabay umano si Sinaluan at isa pang Creseno Paloma Ligaya, kapwa neophytes nang dalhin at isailalim sa hazing sa Alfonso, Cavite ng may 16 na miyembro ng SRB.
Lumalabas sa imbestigasyon na halos 2 oras silang pinalo ng paddle na may 30 segundo lamang ang interval.
Kakain na sana umano ng hapunan ang grupo nang magreklamo ang biktima na hindi makahinga at dinala siya sa ospital subalit hindi rin umabot ng buhay.
Nabatid na namamasukan sa auto shop ang biktima upang matulungan ang mga pamangkin sa pag-aaral.
Bukod sa dalawang suspek na hawak ng NBI, pitong iba pang suspek ang sumuko rin sa Cavite-Philippine National Police habang tinutugis pa ang pitong iba pa.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa RA o Anti- Hazing Law ang 16 na miyembro ng SRB. (Ludy Bermudo)