MANILA, Philippines - Nadiskubre ang hinihinalang pagpapatiwakal ng isang 19-anyos na dalaga sa loob ng kanyang bahay na lubog pa rin sa baha dahil sa masangsang na amoy na nag-uumpisa na itong maagnas at tumawag ng pansin sa mga mangingisda, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Nakilala ang nasawi na si Christal Agupitan, tubong-Zamboanga City at naninirahan sa #234 San Guillermo St., Brgy. Putatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ng mga mangingisda ang bangkay sa loob ng bahay nito nang sundan ang mabahong amoy sakay ng kanilang bangka. Nakita ang biktima na nakabitin sa loob ng bahay gamit ang kable ng antenna ng telebisyon na ipinulupot sa leeg at isinabit sa may kisame. Hinihinalang may ilang araw nang patay ang biktima dahil sa naaagnas na ito.
Nabatid naman sa imbestigasyon na nakikipanirahan si Agupitan sa amain nito na si Florencio Magramao matapos na makipaghiwalay sa dating ka-live-in na si Mark Ivan Villanueva.
Lumikas naman sa evacuation centers ang pamilya Magramao kasama na ang biktima nang pasukin ng tubig-baha ang kanilang bahay noong kasagsagan ng bagyong Ondoy ng Setyembre 26.
Sinabi naman ng amain ng biktima na hindi niya alam na bumalik pala sa kanilang bahay ang biktima at may ilang araw na nilang hinahanap na doon nga ito ay nagbigti.
May teorya ang pulisya na maaaring depresyon dahil sa nangyari sa kanyang relasyon ang nagtulak sa biktima na kitlin ang sariling buhay ngunit hindi pa rin isinasaisantabi ang posibleng nagkaroon ng foul play sa insidente. (Danilo Garcia)