MANILA, Philippines - Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang tangkang human trafficking operation sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) matapos na hindi payagang makapasok sa bansa ang isang Nigerian national dahil sa paggamit ng kahina-hinalang travel documents. Sa kanyang ulat kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, sinabi ni Immigration Officer Heranio Manalo na ang dayuhan ay nakilalang si Stephen Micah Ogbulu, na dumating sa Clark airport sakay ng Air Asia flight mula sa Kuala Lumpur.
Nabatid na tampered ang passport ni Ogbulu kaya agad itong pinabalik sa Malaysia.
Ayon kay Libanan, ginagamit na rin ng mga sindikato ng human trafficking ang Clark dahil isa na ito sa maituturing na busiest airport sa bansa.
Idinagdag pa nito na sa loob lamang ng kasalukuyang buwan umabot na sa anim na illegal aliens na dumating sa Clark ang naharang at di napayagang makapasok sa bansa. Mas naghigpit na rin umano ang mga immigration officers sa Clark para maharang ang mga undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na nagpapanggap na mga turista sa pupuntahang bansa. Karaniwan umanong destinasyon ng mga hindi dokumentadong OFWs ay ang Macau, Singapore at Malaysia. (Gemma Amargo-Garcia at Ludy Bermudo)