2 ex-Mayor hinatulan ng habambuhay sa pagpatay

MANILA, Philippines – Hinatulang mabilanggo ng habambuhay ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang dalawang dating alkalde sa Masbate at tatlo pang akusado kaugnay sa pagpatay sa isang district supervisor ng isang paaralan sa Masbate noong taong 2004.

Batay sa desisyon ni Manila RTC Branch 45 Judge Marcelino Sayo Jr., pinatawan ng parusang reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakabilanggo sina dating Masbate Mayor Carlos Estonilo Sr. at ang dati ding alkalde na si Reinario Estonilo, Edelbrando Estonilo, Calvin Dela Cruz at Eutiquiano Itcobanes matapos mapatunayang pumatay sa biktimang si Masbate District­ Supervisor Floro Casas Sr.

Si Casas ay binaril at napatay ng mga tauhan ng Estonilos’ sa Celera Elementary School , sa Villa Inocencio in Placer, Masbate, noong April 5, 2004, batay sa mga testigo na iniharap ng prosekyusyon sa korte.

Nabatid na ang matandang Estonilo ang nakaupong alkalde nang paslangin si Casas at nang sumunod na buwan ay ang anak nitong si Reinario naman ang nagwaging mayor ng Placer .

Kaugnay umano sa eleksiyon ang pagpapapatay kay Casas .

Inatasan din ng mababang hukuman na magbayad ang mga convicted ng kabuuang P150,000 sa pamilya ng napaslang bilang danyos. (Doris Franche)


Show comments