MANILA, Philippines - Patay ang isang kelot matapos na gawin itong “target practice” o sunud-sunod na paputukan ng shotgun ng dalawang guwardiya nang maaktuhan umano ng mga huli ang una na namumulot ng mga bakal sa loob ng binabantayan nilang kompanya, kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.
Halos mawarak naman ang katawan ng biktimang si Marcelino Grey, 26, ng Jewel St., San Jose ng nabanggit na lungsod kung saan namatay ito noon din sa mismong pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga guwardiyang kinilala lamang sa mga pangalang SV Miraflor at RT Drafer ng Josefa Company na nasa Jewel St., San Jose, Navotas City.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:30 ng madaling-araw, nagroronda ang mga guwardiya sa loob ng nasabing kompanya nang makita ng mga ito si Grey na namumulot ng mga bakal.
Agad namang sinita ng dalawang gwardiya si Grey su balit nagtatakbo ito na naging dahilan upang agad na pagbabarilin na ito ng mga una gamit ang kanilang mga bitbit na service shotgun. (Rose Tamayo-Tesoro)