Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng 12 taong pagkabilanggo ang isang dating fast food crew member na kinasuhan sa pagpatay sa isang entertainment writer at PR man ni Vice President Noli de Castro noong 2004.
Sa 16-pahinang desisyon, napatunayan ni QCRTC Branch 76 Presiding Judge Alexander Balut na ang akusadong si Eric Alba, dating fast food crew member ay nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong homicide.
Bukod sa pagkakakulong, pinagbabayad din si Alba ng halagang P50,000 sa kaanak ni Formaran dahil sa pagkamatay nito at dagdag na P50,000 bilang moral damages.
Naibaba ni Judge Balut sa homicide ang kasong murder na unang isinampa kay Alba dahil bigo ang prosekusyon na maipakita na may qualifying circumstance ang pagpatay sa publicist na si Eli “Mama Elay” Formaran.
Gayunman, pinawalang-sala ng korte si Alba sa kasong pagnanakaw makaraang mabigo ang prosekusyon na mapatunayan na ninakaw ng akusado ang cellphone na Sony Ericsson T610 mula sa biktima.
Sa rekord ng korte, si Formaran ay natagpuang patay na may tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan sa loob ng kanyang condominium sa #11, Unit 4, Golondrina Condominium, Castilla St., Bgy. Valencia, Cubao, Quezon City noong madaling-araw ng May 26, 2004.
Sinasabing noong gabi bago nadiskubre ang krimen, inimbitahan ng biktima ang akusado na maghapunan sa kanyang bahay at tuloy bibigyan nito ng trabaho. (Angie dela Cruz)