Pawnshop sinalakay ng 'Bolt-cutter gang'

Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente ng panloloob sa isang pawnshop, sa kabila ng may nakabantay na security guard nang matangay ang tinatayang P.7-M halaga ng mga alahas, salapi, laptops at cellphones ng hinihinalang ‘bolt-cutter gang’, sa Sta Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Personal na dumulog sa pulisya ang may-ari ng Sission Pawnshop na si Rolando Sission para iulat ang insidente na naganap sa pagitan ng 6:00 ng gabi hanggang 8:00 ng umaga sa loob ng Sission Pawnshop sa   A. H. Lacson Blvd., Sta Cruz, Manila.

Dakong alas-8:00 ng umaga nang pumasok umano sa pawnshop ang may-aring si Sission na nasorpresa dahil putol ang padlock ng roll-on door at main door nito. Sa loob ay nagkalat umano ang mga papeles at iba pang kaga­mitan.

Wala na umano ang ilang pirasong cellphone, alahas, lap top computers at cash na umaabot sa P700,000, kabi­lang ang pera sa kaha ng Western Union Money Transfer na naka-tie-up sa pawnshop.

Hindi naman agad pina­niwalaan ng imbestigador ang dahilan ng guwardiyang si Rey Araguano, na kaya niya iniwan ang pagbabantay sa pawnshop dahil sumakit ang kanyang tiyan kaya isasailalim siya sa lie detector test.

Narekober sa pinang­ya­rihan ang bolt cutter na may tatak na “Baldwin GSIC” na pinaniniwalaang ginamit sa insidente. (Ludy Bermudo)

Show comments