Dahil lamang sa pagtangging ibigay ang kanyang driver’s license dahil sa simpleng away-trapiko, patay ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ito ng isang dating opisyal ng pulisya na ngayon ay hepe ng taga-pamayapa ng lungsod, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Nakilala ang nasawi na si Arcie Calinisan, 26, residente ng 42 Santos Drive, Santos Village, Zapote Las Piñas City sanhi ng tinamong isang tama ng bala sa dibdib.
Samantala, ang suspect na kinilalang si dating pulis major Rodolfo San Jose at kasalukuyang hepe ng Task Force Kaayusan ng Las Piñas City ay agad na tumakas matapos ang nasabing insidente.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Joel Cambi, may hawak ng kaso, dakong alas-6 ng gabi nang mangyari ang nasabing krimen sa Zapote Junction, Zapote Road, Las Piñas City. Nabatid na unang nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspect at ng biktima.
Ayon sa ulat, unang hinuli ng suspect ang biktima dahil sa isang simpleng traffic violation at nang hingin umano ng una ang lisensiya nito ay tumanggi ang huli na ibigay ito. Lalo umanong nairita ang suspect makaraang makipagsagutan pa sa kanya ang biktima hanggang sa bunutin na ng una ang kanyang baril at agad na pinaputukan ang huli na tinamaan naman sa dibdib dahilan upang duguan itong tumimbuwang sa kalsada. (Rose Tamayo-Tesoro)