CCTV ng banko hingi ng pulisya sa ikalulutas ng holdap

Hiniling  ng pamunuan ng Pasay City Police sa Metrobank na bigyan sila ng kopya  sa video foot­age na nakunan ng camera ng closed circuit television (CCTV), na malaki ang ma­itutulong sa ikare­re­solba  sa naganap na pay­roll robbery noong Miyer­ku­les sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Sr. Supt. Marieto Valerio, hepe ng Pasay City Police, malaki aniya ang maitutulong ng CCTV footage upang ma­tukoy kung sinu-sino ang mga nasa likod ng natu­rang panghoholdap.

Base sa report, isa sa mga teyorya ng pulisya  na isang grupo ng riding-in- tandem robbery-hold-up gang ang responsable sa panghoholdap kina Melvin Leo Fernandez, 36, ma­nager; at Bella Landig, 33, sekretarya ng Northblock Enterprises, noong Abril 30, dakong alas-2:15 ng ha­­pon sa kahabaan ng Pres. Dios­dado Macapagal Avenue, Pasay.

Kalalabas lamang ng banko ng mga biktima ma­tapos mag-withdraw  ng P195,000 at $5,000,  nang harangin  ng tatlong  sus­pek na pawang sakay ng isang motorsiklo at armado ng mga baril.

Agad na pinaputukan ng  mga holdaper ang mga biktima at tinamaan sa hita  si Fernandez at daplis naman sa noo si Landig.

Naniniwala ang mga awtoridad na sa loob pa lamang ng banko ay nag­ma­manman na ang mga suspect sa mga kliyen­teng maglalabas ng ma­laking halaga kaya nga nais nilang makita ang CCTV para mapag-ara­lan ang mga kilos ng mga nasa loob ng bangko. (Lordeth Bonilla)

Show comments