CCTV ng banko hingi ng pulisya sa ikalulutas ng holdap
Hiniling ng pamunuan ng Pasay City Police sa Metrobank na bigyan sila ng kopya sa video footage na nakunan ng camera ng closed circuit television (CCTV), na malaki ang maitutulong sa ikareresolba sa naganap na payroll robbery noong Miyerkules sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Sr. Supt. Marieto Valerio, hepe ng Pasay City Police, malaki aniya ang maitutulong ng CCTV footage upang matukoy kung sinu-sino ang mga nasa likod ng naturang panghoholdap.
Base sa report, isa sa mga teyorya ng pulisya na isang grupo ng riding-in- tandem robbery-hold-up gang ang responsable sa panghoholdap kina Melvin Leo Fernandez, 36, manager; at Bella Landig, 33, sekretarya ng Northblock Enterprises, noong Abril 30, dakong alas-2:15 ng hapon sa kahabaan ng Pres. Diosdado Macapagal Avenue, Pasay.
Kalalabas lamang ng banko ng mga biktima matapos mag-withdraw ng P195,000 at $5,000, nang harangin ng tatlong suspek na pawang sakay ng isang motorsiklo at armado ng mga baril.
Agad na pinaputukan ng mga holdaper ang mga biktima at tinamaan sa hita si Fernandez at daplis naman sa noo si Landig.
Naniniwala ang mga awtoridad na sa loob pa lamang ng banko ay nagmamanman na ang mga suspect sa mga kliyenteng maglalabas ng malaking halaga kaya nga nais nilang makita ang CCTV para mapag-aralan ang mga kilos ng mga nasa loob ng bangko. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending