Patay ang isang ginang, habang kritikal naman ang mister nito at malubhang nasugatan pa ang tatlo katao nang bumaligtad ang isang pampasaherong jeep, kahapon ng madaling-araw sa South Luzon Expressway (SLEX).
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa South Superhighway Medical Center bunga ng pagkakaipit at pagkakadurog ng katawan ang biktimang si Delia Rodriguez, 52, residente ng Cabuyao, Laguna.
Agaw-buhay naman si Pelito Rodriguez, 57, mister ng nasawi na ginagamot din sa naturang pagamutan.
Malubhang nasugatan at ginagamot din sa nasabing pagamutan ang mga pasaherong sina Fe Pacleb, 54, residente ng Brgy. Bangkal, Makati City, Edgar Rodriguez, 30 at isang kinilala sa pangalang Maria Suarez makaraang pawang magtamo ang mga ito ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Ayon sa pahayag ng jeepney driver na si George Matildo, 39, papunta sila sa Makati nang biglang mag-overtake at mag-cut sa kanilang daanan ang isang sasakyan kung kaya’t nawalan siya ng kontrol sa manibela na nagresulta sa pagkakabaligtad ng minamaneho nitong jeep.
Samantala, doble-dobleng sakit naman ng ulo ang kinakaharap ngayon ni Matildo dahil pinasasagot sa kanya ang lahat ng bayarin ng mga biktimang pawang isinugod sa nabanggit na pagamutan. (Rose Tamayo-Tesoro)