Agad na nasawi ang isang 24-anyos na company secretary makaraang paulanan ito ng bala ng tatlong holdaper na pawang nakasakay ng motorsiklo nang tumanggi ang una na ibigay ang kanyang hand bag, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Hindi na umabot pa nang buhay sa Las Piñas District Hospital bunga ng limang tama ng bala sa dibdib mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si Arlene Dayagano, ng 122 Phase 5, Manuyo 2, ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi sa Saging St., kanto ng JAA St., CAA, ng nasabing lungsod.
Nabatid na unang sinundo ang biktima ng live-in partner nito na si Joven Matinong sa kanyang pinapasukang opisina sa Saging St., Pasay City. Kasalukuyang magkaangkas umano ang maglive-in partner sa sinasakyang motorsiklo na Honda XRM nang biglang sundan ang mga ito ng mga suspect na magkaangkas rin sa isang motorsiklong Yamaha DT na hindi nakuha ang plaka.
Nang abutan ang mag-live-in partner ay agad silang hinarang ng mga suspect at dito ay tinangkang agawin ng mga suspect mula sa biktima ang dalang shoulder bag.
Habang inaagaw ng isa sa mga suspect ang shoulder bag ay tumanggi naman ang biktima na ibigay ito dahilan upang pagbabarilin siya ng mga suspect na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi. (Rose Tamayo-Tesoro)