‘Chinatown Drug hotspot’ – PDEA

Pugad umano ng mga ilegal na aktibidad tulad ng bentahan ng bawal na gamot ang Chinatown sa lunsod ng Maynila.

Sinabi kamakailan ni Philippine Drug Enforcement Agency Director Dionisio Santiago na maraming miyembro ng mga sindikato ng iba’t ibang ilegal na operasyon buhat sa mainland China ang kumikilos sa kasalukuyan sa Chinatown na sakop ng Binondo at Sta. Cruz sa Maynila.

Sinabi pa ni Santiago sa isang panayam na pailalim ang pagkilos ng mga sindikato at hindi ito masugpo ng lokal na pulisya.

Ginawa ni Santiago ang pahayag kasunod ng pagkakaaresto kamakailan din sa Sta. Cruz ng Chinese national na "shabu laboratory" operator na si Chen Tien Chang at mga kasabwat niyang mga Pilipino na sina Cesar at Eusebio Valenzuela.

Nagsilbi umanong laboratoryo ng shabu at ketamine ang condominium na inuupahan ng mga suspek. Nasamsam sa nasabing condominium ang P6.5 milyong halaga ng mga droga.

Ayon sa report, "business visa" ang gamit ng maraming miyembro ng pandaigdigang sindikato sa pagpasok sa Pilipinas.

Pero, kung mapapansin anya, maliliit na negosyo lang ang itinatayo rito sa bansa ng naturang mga miyembro ng sindikato na sa katotohanan ay sangkot sa iligal na operasyon tulad ng paggawa at pamamahagi ng droga.

Bukod sa Maynila, ilan pang hotspot sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaugnay ng droga ang tinututukan ng PDEA. Naghihintay lang sila ng tamang tiyempo para salakayin ang mga sindikato rito at madakip ang sangkot na malalaking personalidad. (Danilo Garcia)

Show comments