City jails pabrika na ng droga

Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency na talamak at malayang nakakakilos sa paglikha at distribusyon ng bawal na gamot ang mga multi-bilyong pisong international drug syndicate sa loob ng mga city jails sa buong bansa.

Sinabi ni PDEA Director General Dionisio Santiago na matagal nang nagaganap ang operasyon ng mga malalaking sindikato dahil sa ibinibigay na proteksiyon ng mga opisyales ng mga kulungan na nagbubulag-bulagan.

Tinukoy ni Santiago ang operasyon ng nadakip na shabu lab operator na Chinese national na si Chen Tien Chang na malayang naisasagawa ang kanyang ilegal na operasyon habang nakakulong noon sa Manila City Jail.

Nabatid na unang naaresto si Chen noong 2004 dahil sa pagkakasangkot sa mga drug laboratories sa Parañaque, Pasay at Quezon City. Nahatulan pa siya ng korte na makulong sa Manila City Jail.

Base umano sa impormasyon na nakalap ng PDEA, patuloy na nakapagma-"manufacture" at nakakapagsagawa ng drug deals si Chen habang nakakulong.

"Siyempre, hindi naman malayang makakakilos iyan sa loob ng kulungan kung walang proteksyon ng ating mga jail officers. Posibleng nagbubulag-bulagan at bingi-bingihan na lamang ang mga bantay sa kulungan dahil sa sila mismo ay sangkot," ayon kay Santiago.

Nabatid naman na nakalaya si Chen matapos na baligtarin ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman.

Inamin ni Santigao na wala silang kapangyarihang habulin ang mga tiwaling jail officers na sangkot sa mga sindikato ng droga dahil sa may hiwalay na ahensiya na humahawak sa mga ito.

Nadakip kamakailan si Chen kasama ang mga Pilipinong kasabwat na sina Cesar at Eusebio Valenzuela nitong nakaraang Martes sa Sta. Cruz, Maynila.

Show comments