Clearing operation ng MMDA:1 todas, 3 pa sugatan

Isang 13-anyos ang nasawi, habang tatlo pa ang nasugatan matapos ang marahas na demolition o clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa grupo ng mga umalmang mga vendor, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Namatay habang ginagamot sa San Juan De Dios ang biktimang si Jamal Ampuan, 13. Habang sugatan naman sina Alex Katar, 35, nagtamo ng tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril; Amwar Abdul Latip, 13 at Kalip Camama, 16.

Sa report ng Parañaque City Police, naganap ang insidente mula alas 8:00 hanggang alas-10:00 ng umaga sa may harapan ng Redemptorist Church, Roxas Boulevard, Brgy. Baclaran, Parañaque City.

Ipinatutupad ng MMDA ang clearing operation sa naturang lugar laban sa mga illegal sidewalk vendor nang lumabas ang isang grupo ng mga vendor, sa pag-aakalang kasama ang kanilang tinitirhan na nakatirik sa may seawall, malapit sa kanila ay kasama ito sa idedemolis.

Isa umanong vendor ang nagpaputok ng baril, na naging dahilan ng komosyon na nauwi sa madugong demolition. Ito ang version ng grupo ng clearing operation ng MMDA.

Samantala, sa bersyon naman ng grupo ng mga vendor, ang una umanong nagpaputok ng baril ay mula sa demolition team ng MMDA. Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Lordeth Bonilla)

Show comments