Ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS), pinag-iingat nila ang mga mamimili partikular ang mga nasa bahagi ng Pampanga dahil naibagsak na umano dito ang mga ninakaw na karne.
Sinabi ni NMIS Executive Director Minda Manatan, bukod sa mga parasitic disease mula sa karne ay nagtataglay rin umano ang mga ito ng "antibiotic residue" na lubhang mapanganib sa kalusugan ng mga makakakain nito.
Iginiit din ni Manatan na mas mapanganib umano ang parasitic disease at antibiotic residue kumpara sa panganib na maaaring idulot ng foot-and-mouth disease (FMD).
Mahirap umanong malaman ang mga karneng kontaminado ng FMD, parasitic virus o kaya ang may antibiotic residue dahil tanging sa laboratory test lamang ito nalalaman.
Ang babala ay nag-ugat nang magsagawa ng inspeksyon ang Bureau of Animal Industry (BAI) at Veterinary Quarantine Office noong Biyernes ng gabi sa Harbour Center Terminal sa North Harbor, Maynila.
Nabatid na ang hot meat ay nagmula sa China at nakapaloob sa apat na 40-footer reefer vans at nang inspeksiyunin ang mga ito ay napag-alaman na binusisi na ang mga ito at bawas na ng kalahati ang mga laman base sa idineklarang kabuuang bilang nito.
Nakipag-ugnayan na rin si Customs Deputy Commissioner Celso Templo sa NBI upang masiguro na hindi naman magkakaroon ng whitewash sa imbestigasyon at maparusahan ang mga taong sangkot sa pagkawala.
Ayon kay Templo, kabilang ang ilang matataas na opisyal mula sa opisina ni Customs Commissioner Napoleon Morales ang iniimbestigahan bilang mga suspects na pinaniniwalaang isang organisadong grupo ang nasa likod ng naganap na nakawan. (Gemma Amargo-Garcia)