Nakilala ang dalawang suspect na sina Chito Sanchez, 43; at Jerome Cabahug, 43, ng Tagaytay City.
Kasalukuyang pinaghahanap naman ngayon ang pangunahing suspect sa pagdukot sa sanggol na si Rose Magbanua.
Ayon kay Supt. Marcelino Pedrozo, hepe ng MPD-GAS, dinukot ng suspect na si Magbanua ang sanggol na si Jashlei Castillo nitong Agosto 11. Sinabi ng ina na si Chinie-Anne, 19, nakiusap umano si Magbanua na ipahiram sa kanya ang sanggol subalit tumanggi siya kaya nagalit ito.
Binanggit pa ni Chinie-Anne na nang mamalengke siya, iniwan niya sa kuna ang sanggol na natutulog habang binabantayan ng kanyang mister. Nakatulog din naman ang kanyang asawa kaya nagawang makasalisi ni Magbanua at kunin ang sanggol.
Napadpad naman ang suspect sa palengke ng Tagaytay City at doon ibinenta ang sanggol kay Sanchez sa halagang P200.
Humingi naman ng tulong ang ina ng bata sa pulisya na nagsagawa ng imbestigasyon at saka inihanda ang operasyon.
Natunton ang kinaroroonan ng sanggol kung saan dinakip ang dalawang beautician.
Kinatuwiran naman ng dalawang suspect na sinabi sa kanila ni Magbanua na anak niya ang sanggol at ipinapasa niya dahil sagabal lamang sa kanyang trabaho. Nagbigay pa si Magbanua ng kasulatan na walang pananagutan ang dalawa sa oras na may maghabol sa sanggol.
Sa kabila nito, sinabi ni Pedrozo na hindi pa rin lusot ang dalawa sa kaso dahil sa accessories sila sa naturang krimen. (Danilo Garcia)