Sodium nitrate inakalang iodized salt: 8 nalason

Walong factory worker ng isang food processing company ang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) kahapon ng madaling-araw matapos na malason ang mga ito nang makakain ng "sodium nitrate" na aksidenteng naihalo sa kanilang ulam matapos na mapagkamalang iodized salt.

Kasalukuyang inoobserbahan sa PGH ang mga biktimang sina Bernie Guarina, Christian Mulleda, Ronaldo Baylon, Joey Catasio, Noli Lominuque, Don Angelo Labapie, Randy Daeta at Reynaldo Oliveros, pawang may edad sa pagitan ng 19-31 anyos at mga factory worker ng VWA Food Processing na matatagpuan sa Linao St., Brgy. St. Peter, Quezon City.

Sinabi ni Dr. Alan Dionisio, toxicologist ng PGH na bandang ala-1 ng madaling-araw nang isugod sa ER ang mga biktima matapos na makaramdam ng panghihina, pagkahilo at pagsusuka.

Ayon naman sa mga biktima, dakong alas-7 kamakalawa ng gabi nang magluto sila ng sardinas na may malunggay para sa kanilang hapunan, subalit sa halip na asin ang mailagay ay sodium nitrate ang maaaring naihalo nila sa ulam matapos nila itong mapagkamalang iodized salt.

Idinagdag pa ni Dionisio na nangingitim na umano ang mga biktima nang isugod ang mga ito sa pagamutan kaya’t kaagad nila itong binigyan ng paunang lunas.

Sa kabila nito, kailangan pa rin umanong obserbahan sa pagamutan ang mga biktima upang masigurong ligtas na ang mga ito. Nabatid na ang sodium nitrate ay sangkap sa paggawa ng fertilizer at mga pampasabog na kapag nakain ng isang tao ay magiging sanhi ng pagkalason at pagkaubos ng oxygen sa dugo na kung mapapabayaan ay maaaring maging sanhi ng kamatayan. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments