Tauhan ng ex-congressman huli sa pagnanakaw ng kuryente

Dinakip ng mga awtoridad ang isang electrician na tauhan ni dating Congressman Chuck Mathay matapos na mahuli sa aktong nagkakabit ng jumper na kuryente, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Si Alex Dumoc, 34 ay agad na isinailalim sa imbestigasyon matapos na mahuling nagnanakaw ng kuryente sa kalapit na poste upang malagyan ng kuryente ang talyer sa P. Tuazon, Brgy. Kaunlaran, Quezon City.

Nauna rito, sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng impormasyon sa ginagawang pagja-jumper ng kuryente sa lugar kung kaya’t agad nagsagawa ng surveillance ang pulisya.

Dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang maispatan si Dumoc at hiningan ng resibo ng Meralco. Dito naman nakita na ang kuryente ng talyer ay nakapangalan sa dating kongresista.

Sasampahan ng kasong anti-pilferage si Dumoc bukod pa sa pagmumulta ng P40,000.

Samantalang pinag-aaralan pa ng Meralco kung pagbabayarin din si Mathay ng multa na nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P200,000. (Doris Franche)

Show comments