Sa datos ng Philippine Inter-Island Shipping Association (PISA), may kabuuang 20% na ang ibinagsak ng mga biyahe ng ibat ibang shipping companies dahil sa hindi na makayanan ang kanilang pagkalugi.
Sinabi ni Renato Paredes ng Negros Navigation na nagbawas sila ng biyahe sa mga destinasyon dahil sa nakakalulang presyo ngayon ng bunker fuel na ginagamit sa mga barko.
"High fuel prices surely are making shipping hard to survive if not completely killing it. Government assistance is badly needed," ani Paredes.
Dati-rati umano ay apat na beses bumibiyahe ang isang barko sa loob ng isang linggo ngunit ngayon ay 2 hanggang 3 beses na lamang. Bumaba rin sa 50% ang bilang ng mga pasahero na sumasakay ngayon.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Paredes na maaaring makabawi sila ng pagkalugi ngayong darating na Undas dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong magsisiuwian sa kanilang mga probinsiya. (Danilo Garcia)