8 Chinese timbog sa P25-M pekeng yosi

Walong Chinese national ang inaresto ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos masamsaman ng P25 milyong halaga ng mga pekeng Marlboro cigarette sa isinagawang serye ng operasyon sa iba’t ibang lugar sa Valenzuela, Caloocan at Quezon City.

Kinilala ang mga nadakip na sina Jianfeng Jao, Wang Fu Feng, Wu Ying Guan, Zhou Yong Ping, Wheng Zhi Ming, Wu Gan Su, Lei yu An at Wang We, pawang taga-Mainland China.

Nabatid na dakong alas-9 ng umaga ay magkakasunod na ni-raid ang isang residential na gusali at compound na matatagpuan sa Brgy. Coloong 1, Valenzuela City, isang 4-storey building sa 9th Avenue at 6th St. sa Caloocan City at Brgy. Apolonio Samson sa Quezon City.

Isinagawa ang raid sa bisa ng ipinalabas na search warrant ni Judge Antonio Eugenio ng Branch 24 ng Manila RTC.

Nasamsam sa mga nadakip ang 57 kahon ng pekeng Marlboro, 205 na pekeng Marlboro filter rods, 80 kahon ng pekeng Marlboro packing foil, 180 roll ng pekeng papel ng Marlboro, 200 pirasong pack closure, 165 kahon ng raw tobacco material, isang unit ng cigarette-maker machine at iba pang gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo.

Show comments