Nakilala ang mga nasawing pasahero na sina Elmer Passion, arkitekto at Angelo Canonato, ng Barangay San Andres, Cainta, Rizal.
Samantalang nakilala naman ang mga nadakip na sina Urnos Arellano, driver; Mario Cadiz, konduktor; Petronillo Edraga, 21; Bernardo Plaza, 23; Bobby Ibanez, 29 at Roy Abrasaldo, 32.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi habang ang mga biktima kasama pa ang iba pang pasahero na lulan sa Southern City Bus na may plakang PYK-307 ay holdapin ng mga suspect sa kahabaan ng EDSA Ayala Flyover.
Habang nagaganap ang holdap ay naispatan naman ng isang driver ng kasunod na bus ang nagaganap na panghoholdap sa kabilang bus kaya agad itong tumawag sa 117.
Mabilis namang nagresponde ang mga miyembro ng SWAT sa pangunguna ni Supt. Rodellio Jocsoc, hepe ng Special Action Unit ng Eastern Police District at iba pang kagawad ng pulisya at inabangan ang bus na hinoldap.
Nasakote ang mga suspect sa kahabaan ng MRT Flyover sa Boni Avenue sa Mandaluyong City at doon nakita sa loob ng bus ang dalawang patay na pasahero na binaril ng mga ito. Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng nanlaban ang mga biktima kaya ito pinagbabaril ng mga suspect.
Itinuro ng apat na holdaper ang driver at konduktor ng nasabing bus na kanilang kasabwat sa panghoholdap.
Nasamsam sa mga suspect ang dalawang kalibre .45 baril, isang granada at mga alahas, wallet at cellphone ng mga pasahero.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa Mandaluyong PNP at inihahanda na ang kaso laban sa mga ito. (Ulat ni Edwin Balasa)