Sa nasunog na SuperFerry 14: Kaanak ng mga nawawalang pasahero sumama sa search and retrieval operations

Isinama na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) at WG&A ang daang pamilya ng mga nawawalang pasahero para lumahok sa isinasagawang search and retrieval operation sa kanilang mga mahal sa buhay na sakay ng nasunog na SuperFerry 14 sa karagatan ng Bataan.

Kinumpirma ni PCG Spokesman Lt. Armand Balilo ang pagdadala sa mga kamag-anak sa karagatan kung saan isang barko nila at isa buhat sa WG&A ang nagdala sa mga ito patungo sa SuperFerry 14.

Ito’y matapos na pagbigyan ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Leandro Mendoza ang kahilingan ng mga kamag-anak ng may 134 pang nawawalang mga pasahero.

Nabatid na may 30 katao ang sakay ng barko buhat sa PCG habang higit naman sa 150 kamag-anak ang sakay ng barko buhat sa Aboitiz Transport Corp.

Nagpasalamat naman ang mga kamag-anak sa naturang desisyon ni Mendoza. Ayon kay Edward Leyco, isa sa mga kaanak ng nawawalang pasahero na mas mabuti na kasama sila sa paghahanap kaysa sa naghihintay at upang maipagmalaki nila na personal silang nagtungo sa lugar.

Isa sa mga ferry boats ng PCG ang nagtungo sa site ng SuperFerry 14 sa may karagatan ng Mariveles, Bataan, habang ang isang ferry boat naman ay lilibot sa karagatan ng Bataan, Bulacan, Cavite at Metro Manila sa pag-asang may mga pasahero pang lumulutang.

Samantala, may ulat na patuloy na itinatago sa dalawang hotel ng pamunuan ng WG & A ang mga tripulante ng pinasabog na SuperFerry 14 upang hindi mailantad ang tunay na pangyayari noong Biyernes ng madaling-araw sa karagatang sakop ng Bataan.

Ayon sa source, itinatago sa dalawang hotel sa Maynila ang ilang tripulante na may malawak na alam sa tunay na insidente na sumasalungat sa mga naglabasang balita na aksidenteng nasunog ang naturang barko kundi ito ay talagang nalusutan ng bomba na siyang sumabog.

Nangangamba ngayon ang pamilya ng mga tripulanteng itinatago sa publiko na may mangyaring hindi inaasahan sakaling lumutang ang katotohanan.

Samantala, nagkaroon na rin ng resulta ang ginagawang search and retrieval operation ng PCG matapos na dalawang bangkay ng pasahero ang natagpuan ng mga frogmen kahapon.

Sa kabila nito, hindi pa naman makumpirma ang kasarian ng mga bangkay dahil sa lasug-lasog na ang katawan dahil sa sunog.

Matapos ang pagkakatuklas na ito, hinihinala na marami pang katawan ang naipit sa loob ng naturang barko ngunit nahihirapan ang PCG na makuha ang mga ito dahil sa pagkaguho ng loob ng barko.

Samantala, natagpuan naman ng ferry boat ng PCG, lulan ang mga pamilya ng mga nawawalang pasahero sa karagatan ng Bataan ang ilang mga kagamitan tulad ng bag, tsinelas at damit na hinihinalang pag-aari ng mga nawawalang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments