"Selyado ng aircraft manufacturers ang tinatawag na black box na inilalagay sa mga eroplano kaya hindi dapat isisi sa amin kung walang impormasyon na nakuha dito", ani Alvin Yater, tagapagsalita ng LIA.
Sinabi pa nito na walang kinalaman ang LIA kung sira o hindi ang black box dahil nakakabit na ito sa eroplano nang bilhin ito sa manufacturer.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan ng mga aviation technicians na hindi nai-rekord ang detalye ng Flight 585 kaya wala ni isa mang impormasyon na makukuha dito.
Ang black box na ginagamit ng Laoag Air, ayon pa kay Yater ay ipinapadala sa aircraft manufacturers tuwing ika-apat na taon para ikondisyon. Isang taon pa lamang ang nakakalipas mula nang huling ikondisyon ang black box ng Flight 585, dagdag pa ni Yater.
Binanggit pa nito na ang black box ay isang instrumento na walang kinalaman sa kaligtasan ng operasyon ng isang eroplano dahil itoy isa lang recording device. (Ulat ni Butch Quejada)