Utak ng Mark Chua kidnap-slay tukoy na

"Bilang na ang araw n’yo!"

Ito ang pangakong binitiwan ni Gen. Romeo Maganto sa ilang pamilya at kaibigan ng pinaslang na si Mark Chua, UST student, kahapon.

Sa isang balitaan sa Aloha Hotel sa Roxas Blvd., nakipag-ugnayan si Maganto sa pamilya ni Mark para sa mabilisang pagbibigay ng katarungan sa biktima.

Ayon kay Maganto, bagama’t tukoy na ang mga umano’y pumatay kay Mark matapos ilantad ang anomalya sa ROTC, hindi pa umano alam ng pamilya Chua kung sino ang utak sa pagpatay.

Aniya, siguradong may nagsanay sa mga suspect sa kidnap-for-ransom activities sapagkat halos bihasa ang mga ito sa krimeng nagawa.

Sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), lumalabas na anim na ROTC officers na sina Michael Von Rainard Manangbao, Paul Joseph Tan, Eduardo Tabrilla, Arnulfo Aparri, Eliseo Pitargue at Enrico Corpus ang umano’y sama-samang nagpahirap at nagsilid sa sako kay Mark bago itinapon sa ilog-Pasig.

Natagpuan ang agnas na bangkay ni Chua noong Marso ilang araw pagkatapos itong naiulat na nawawala. Lahat ng mga suspect ay mga opisyal ng ROTC.

Ipinangako ni Maganto na gawing crusade ang pagkilala sa utak ng krimen.

Umaasa naman ang pamilya Chua na matutukoy ang mastermind sa lalong madaling-panahon upang makuha ang pinakaaasam-asam na katarungan. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments