Lady reporter dinakip sa ilegal na sugalan

Dahil sa walang perang panggastos para sa panganganak, isang buntis na reporter ng isang pahayagang tabloid ang dinakip hinggil sa pagmamantina ng isang pasugalan matapos umanong hindi ito makapagbigay ng "lagay" sa mga pulis na humuli sa kanya na naganap noong Sabado sa Makati City.

Kinilala ang naarestong si Liza Lopez, 32, may asawa, nakatira sa #2053 Onyx St., Paco, Manila, reporter ng pahayagang Toro.

Ayon kay Lopez, naganap ang insidente dakong alas-10:35 ng gabi noong Sabado sa isang peryahan na matatagpuan sa panulukan ng Marconi at Finlandia Sts., Brgy. San Isidro ng lungsod na ito.

Nabatid na minamantina umano nito ang isang uri ng ilegal na sugal "color game", sa nabanggit na lugar bilang kanyang sideline dahil wala siyang perang panggastos para sa kanyang panganganak at kabuwanan na nito.

Napag-alaman na hinihingan umano siya ng mga pulis na nakatalaga sa Police Community Precinct 4 ng lagay na halagang P10,000 bilang "protection money" sa naturang ilegal na aktibidades.

Nakiusap si Lopez na bigyan siya ng isang linggong palugit upang ma-produce niya ang nabanggit na halaga dahil bago pa lamang siyang nagmamantina nito.

Subalit hindi umano pumayag ang mga pulis kaya’t kaagad na dinakip si Lopez.

Si Lopez ay nakalaya na kahapon matapos siyang maglagak ng piyansang P2,000 sa Makati City Prosecutor’s Office. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments