Inatasan din ni Manila Regional Trial Court Judge Antonio Eugenio ng Branch 24 ang mga akusadong sina Jonathan Lagbu at Noel Tubog na magbayad ng halagang P8,500 at P3,700 bilang danyos sa mga biktima na sina Marlon Purificacion, 29, reporter ng Journal Group of Publications; Noel Abuel, 29, ng pahayagang Abante.
Sina Tubog at at Lagbu ay inaresto, kinasuhan at hinatulan ng hukuman dahil sa pagnanakaw ng mamahaling gamit na umaabot sa halagang P50,000 noong Nobyembre 2, 2000.
Ayon kay Purifacacion, ipinarada lamang niya ang kotseng Mitsubishi Lancer, may plakang UGA-700 sa kanto ng Ongpin at Padilla Streets noong gabi ng Nobyembre 1.
Kasama niya si Abuel para magkape sa coffee shop ng Lailai Hotel at tuloy magpatila sa malakas ng buhos ng ulan noong mga oras na iyon.
Basag na ang salamin sa likurang bahagi ng kotse ni Purificacion nang balikan niya ito makalipas ang ilang oras.
Nang siyasatin ay doon nila nalaman na nawawala na ang imported na Lacoste jacket ni Purificacion na nagkakahalaga ng P8,000; Police Sunglasses, P2,500; at isang Oakley sunglasses na nagkakahalaga naman ng P6,000.
Nawala naman ang laptap computer ni Abuel na nagkakahalaga ng P20,000; Nextel cellphone, P5,000; Sony tape recorder, P1,200; gintong wedding ring na may halagang P5,000 at cash na 2,500.
Kaagad nagtungo sina Purificacion at Abuel sa Western Police District station 11 upang ipagbigay-alam kay station chief Supt. Juanito Jojo de Guzman ang naturang pangyayari. Mabilis na tumugon si De Guzman at inatasan si SPO1 Leonardo Bitoy Magpantay at PO1 Edwin Perez para tugisin ang mga kawatan. (Ulat nina Grace Amargo at Ellen Fernando)