Kinilala ni Sr. Supt. Jose Gutierrez, district director ng Southern Police District Office (SPDO) ang mga biktimang sina Felix Aranes; Delfin Binahan, 45, at Gilbert Esmaquilar, guwardiya, na pawang kawani at stay-in ng Jeepney Shopping Center na matatagpuan sa Taft Avenue ng nasabing lungsod.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO3 Eduardo Cabria na maaaring hatinggabi habang nasa kasarapan ng tulog nang pasukin ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang nasabing establisimiyento.
Ang mga biktima ay pinagsasaksak at pinagpapalo ng matitigas na bagay ng mga suspek.
Natagpuan kahapon ng alas-5:30 ng umaga ni Rico Victor Arbas, 40, isa ring stay-in employee ang mga duguang katawan ng mga biktima nang ito ay umakyat sa ikalawang palapag ng nasabing establisimiyento.
Kaagad nitong ipinagbigay alam sa pulisya ang naganap na insidente at dito ay malaki ang hinala ng pulisya na inside job ang naganap na pagnanakaw at pagpatay sa tatlong biktima.
Winasak ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek ang opisina ng manager at tinangay dito ang mga iba’t ibang uri ng alahas na nagkakahalaga ng P70,000, hindi pa mabatid na halaga ng pera at isang Honda Civic na may plakang WED 891 na pag-aari ni Jerry Lim Po na siyang may-ari ng nasabing establisimiyento.(Ulat ni Lordeth Bonilla)