Kinilala ang mga biktima na sina John Paul, 15; Eric, 10; at Dave Gabon, 5, pawang ng Road 2, V. Mapa St., Sta. Mesa.
Samantala, nagtamo naman ng second degree burns sa balikat ang ama ng mga ito na si Pastor, 42, na kasalukuyan pa ring nilalapatan ng lunas sa pinakamalapit na pagamutan.
Nabatid na tanging si Editha, ina ng mga biktima, at ang anak nitong bunso na tatlong-buwan pa lamang, ang nakaligtas sa trahedya na sinapit ng kanilang pamilya.
Batay sa ulat ng arson investigator ng Bureau of Fire Protection, naglagablab ang tahanan ng mga Gabon dakong alas-3:30 ng madaling-araw.
Lumilitaw sa imbestigasyon na magluluto sana ng almusal si Pastor at sinindihan na ang kanilang kalan nang bigla na lamang nagkaroon ng pagsabog.
Agad na nasunog ang balikat nito samantalang mabilis namang kumalat ang apoy. Dahil sa kalituhan, hindi na umano nagawang masaklolohan ni G. Gabon ang kanyang pamilya na natutulog naman sa ikalawang palapag ng bahay.
Dahil na rin sa tindi ng init, nagising si Editha at binuhat ang kanyang bunso at ginising pa ang tatlong anak na natutulog upang tumakas sa naglalagablab na apoy.
Sa pag-aakalang sumunod na ang mga ito ay naunang lumabas ng bahay si Editha ngunit naiwan pala ang tatlong anak na siyang dahilan ng kanilang pagkakasunog.
Umabot ng mahigit sa isang oras bago naapula ang apoy, ayon sa mga pamatay-sunog.
Ilang oras matapos ang nasabing insidente, isa pang sunog ang naganap naman sa isang tindahan sa Sinagtala Shopping Arcade sa South Harbor, Port Area, Manila.
Hinihinala na faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na nagsimula dakong alas-5 ng madaling-araw bago tuluyang naapula bandang alas-7 ng umaga.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing sunog na halos tumupok na umano sa buong shopping arcade.
Tinataya namang umaabot sa P10 milyon ang halaga ng mga naabong ari-arian sa dalawang insidente ng sunog sa lungsod ng Maynila. (Ulat ni Danilo Garcia)