Isyu sa over printing ng election returns umiinit

Posibleng maglutangan ngayon ang iba’t ibang anomalya sa Commission on Election dahil sa lumalalang sigalot sa pagitan ng dalawang matataas na pinuno ng poll body makaraang painitin ito ng isyu sa over printing ng election returns na sinundan pa ng mga alegasyong maaaring totoong may kickback sa likod ng mga preparasyon kaugnay sa May 14 general election.

Batay sa naging reaksyon ni COMELEC chairman Alfredo Benipayo hinggil sa mga naglalabasang isyu na may kaugnayan sa pagpapalimbag ng mga election paraphernalias at sa halaga ng printing jobs ay isusulong nito sa COMELEC en-banc na magsagawa ng auditing sa pinagkagastusan ng komisyon.

Nabatid na partikular na pakay ng balak na pagtutuos sa pinagkagastusan ng COMELEC ang tanggapan ni Comm. Luzviminda Tancangco na siyang may hawak ng modernization and computerization program ng komisyon bukod pa sa pagiging chairman nito ng Committee on Printing.

Ang planong pagsasagawa ng auditing ay nagsimula nang malantad ang umano’y pagpabor ni Tancangco sa isang printing company na nag-alok ng mas mataas na halaga kumpara sa kalabang bidders.

Napag-alaman pa na may mga opisyales din ng poll body ang nagnanais na magsagawa ng auditing sa mga pinagkagastusan ng COMELEC na nangangailangan ng paliwanag bunsod ng mga naglalabasang balita, tulad halimbawa ng pagbili ng 2 Mitsubishi Rosa na nagkakahalaga ng P1.9M; 15 Mitsubishi Estrada 4x4 at 10 Ford Ranger na nagkakahalaga ng kulang isang milyon ang bawat isa, 100 motorcycle na may halagang P100,000 bawat isa.

May umugong ding balita sa loob ng COMELEC na isang official din ang sinasabing bumili ng 100 pieces na Nokia 6150 na nagmula sa bahagi ng pondong inilaan sa computerization program partikular na sa isinagawang precint mapping sa buong Pilipinas para magamit sa mabilis na komunikasyon.

Bukod pa sa isang opisyal ng poll body na nagpa-renovate ng isang comfort room na ginastusan ng milyong piso. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments