16 pares na mga buto ng tao nahukay

Tensiyon ang namuo sa mga guro at mag-aaral ng Epifanio delos Santos Elementary School sa Tramo st., Pasay City matapos makahukay ang tatlong tubero ng 16 pirasong magkakapares na mga buto ng hita at braso ng tao, kahapon ng umaga.

Ayon kay SPO4 Antonio Canoy, ng Criminal Investigation Division (CID) Pasay city police, dakong alas-8 kahapon ng umaga ng mahukay ang nasabing mga buto sa likod ng canteen ng nasabing paaralan habang inaayos ng tatlong tubero ang nasirang tangke ng tubig ng nabanggit na eskuwelahan.

May hinala ang pulisya na 40-50 taon nang nakabaon ang nahukay na mga buto dahil sa kulay itim na ang mga ito.

Nalaman rin na ang nasabing paaralan ay dating garrison ng mga gerilya noong Second World War at posible umanong ang mga butong ito ay pag-aari ng mga Pilipinong nakipaglaban sa mga sundalong Hapon.

Agad namang napawi ang takot sa nasabing lugar ng dalhin ng crime lab ang nabanggit na mga buto. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments