Si PO1 Francisco Bacunawa na dating nakatalaga sa Western Police District Civil Disturbance Management (CDM) na residente ng Masinop st., Tondo, ay matagal nang pinaghahanap ng kapwa niya pulis sa dahilang sunud-sunod na reklamo ang natatanggap ng WPD-General Assignment Section hinggil sa umanoy pangongotong o "hulidap" nito sa Tondo.
Ang nasabing kilabot na pulis ay unang nasampahan ng kasong robbery sa WPD-Station 1 subalit nakapagpiyansa at nakalaya sa kulungan.
Ang naging biktima ng naturang pulisya ay isang Arthur Cortez, 56, may asawa, ng J.P. Rizal st., Bo. Magsaysay sa Tondo. Sapilitang kinuha ang kanyang relos na Rado na nagkakahalaga ng P80,000 at nang tangkain pang kunin ang kuwintas ng una na nagkakahalaga ng P30,000 ay nanlaban na ang biktima subalit pinalo siya ng .45 kalibreng baril sa ulo hanggang sa makuha ang pakay ng suspek.
Mabilis na sumakay ito sa kulay pulang kotse at dalawa pa sa suspek na kasama ni Bacunawa ang tumakas dala ang mga alahas ng biktima.
Nang mapag-alaman ni WPD-Director Chief Supt. Avelino Razon Jr. ay agad naman itong nag-utos na tugisin si PO1 Bacunawa at sampahan ng kaukulang kaso.
Lumilitaw pa sa pagsisiyasat ng pulisya na may nakabimbin pang kasong pagpatay si Bacunawa.
Nananawagan si Razon na kung sino ang makakakita sa naturang AWOL na suspek ay agarang ipagbigay-alam sa kanyang tanggapan o pinakamalapit na presinto para sa ikadarakip nito. (Ulat ni Ellen Fernando)