Robot na kasambahay
Isa sa matagal nang sinusubukang likhain sa buong mundo ang robot para sa mga karaniwang gawaing bahay tulad ng pagluluto, paglilinis, paglalaba, paghuhugas ng pinggan, pag-aayos ng higaan, pagdidilig ng halaman, pagbubuhat ng mga gamit, at maging ang pag-aalaga sa matatanda o may karamdaman. At lalo itong umuunlad sa katagalan dahil sa artificial intelligence.
Gayunman, karamihan sa mga ito ay nasa yugto pa rin ng eksperimento. Hindi pa sila ganap na maaasahan sa lahat ng pagkakataon at nakikitaan pa rin ng mga pagkakamali na para sa tao ay simpleng gawain lamang.
Marami ring problemang maaaring malutas ng ganitong teknolohiya tulad ng kahirapan sa paghahanap ng mapagkakatiwalaang kasambahay. Nariyan din ang mga kasong nakawan, paglabag sa tiwala, at iba pang alitan minsan ng employer at kasambahay o iyong mga napapabalitang pinatay ng helper ang kanyang amo o amo na pinahirapan ang kanyang katulong. Sa kabilang banda, may mga ulat din ng pang-aabuso, pagsasamantala at hindi makataong pagtrato sa mga domestic worker. Kung makina ang gagawa ng ilang trabaho, maiiwasan ang ilan sa mga problemang ito.
Makatitipid din ang ilang pamilya dahil hindi na nila kailangang gumastos para sa suweldo, pagkain, tirahan at iba pang pangangailangan ng isang kasambahay. Kapag bumaba ang presyo ng mga robot sa hinaharap, maaaring makita ito ng ilan bilang mas praktikal na alternatibo.
Ngunit may mga gawaing mahirap pa ring ipagkatiwala sa isang makina. Kabilang dito ang pag-aalaga at pagbabantay sa maliliit na bata. Karamihan sa mga pamilyang kumukuha ng katulong ay hindi lamang para maglinis ng bahay kundi para may mag-alaga rin sa kanilang mga anak habang sila ay nasa trabaho. Malamang magdalawang-isip ang isang pamilya kung kukuha sila o hindi ng robot na mag-aalaga sa maliliit nilang mga anak.
Maaaring maapektuhan ang maraming overseas Filipino worker na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong, Singapore, Middle East at iba pang bansa. Hindi malayong dumating ang panahon na may mga dayuhang employer na bibili na lang ng robot o umarkila ng serbisyo mula sa mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga ito sa halip na kumuha ng kasambahay mula sa ibang bansa. Mababawasan ang pangangailangan sa mga Filipino domestic helper.
Subalit hindi rin nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang mga kasambahay na tao kapag naging karaniwan ang mga robot. Marami pa ring gawain sa bahay na nangangailangan ng pag-unawa, malasakit, pakikipagkapuwa at agarang pagdedesisyon sa mga hindi inaasahang sitwasyon. Kayang magwalis o maghugas ng pinggan ng isang makina ngunit ibang usapin ang pag-aalaga sa isang batang may lagnat, pag-asikaso sa isang matandang biglang nagkasakit, o pagharap sa mga emergency sa loob ng tahanan. Sa ngayon, tila malayo pa bago tuluyang mapalitan ng robot ang tao sa mga ganitong tungkulin.
* * * * * * * * * *
Email – [email protected]
- Latest
















